Ang Saglit na Pag-ibig
Darell N. Duma
Ang lahat ng mga tauhan na lumilitaw sa kwentong ito ay gawa-gawa lamang. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na tao, nabubuhay man o patay na, ay hindi sinasadya.
Ako si Joey. Isang ordinaryong 15 year old student na nakatira sa isang liblib na kakahuyan. Medyo maliit, 5'2" lang ang height ko eh pero katamtaman lang ang katawan at medyo maputi. Hindi nga lang ganun katalino pero favorite ko talaga ang subject na "Science." Nanalo nga akong 2nd place sa isang quiz bee last year eh. Ang tatay ko ay nagtatrabaho sa isang hardware supply at ang nanay ko naman ay nagtitinda ng nilupak sa umaga at nasa bahay na pagsapit ng tanghali at inaalagaan ang mga kapatid ko. Meron akong 2 kapatid, si Fatima at Ronnie, isang grade 4 at isang grade 1. Mga bata pa sila kaya wala silang masyadong isipin sa buhay. Gusto lamang nilang maglaro ng maglaro. Ako? Dahil binata na ako, gusto ko din maranasan ang mga bagay na bihirang mangyari sa isang tao. Gusto ko ring maranasan ang tunay na pag-ibig. Nagkaroon din naman ako ng mga crush nung mga nagdaang taon yun nga lang torpe ako eh. Sinubukan ko din naman lumapit kaso kapag malapit na ako pinanghihinaan na ako ng loob. Nagkaroon na ako ng crush sa limang babae kaso ni isa sa kanila hindi ko nakausap. Napipipi ba? Hanggang sa sumuko na lamang ako.
Buwan na ng Marso, malapit nang matapos ang school year. Lalo na ngayon, graduating student na ako. Ano kaya ang mga pangyayari na darating na hindi ko malilimutan bukod sa birthday ko at graduation? Naging boring kasi para sakin ang school year na ito. Ewan ko ba kung bakit hindi ko na-enjoy. Naisip ko lang siguro yung mga nasayang na pagkakataon. Siguro pagka-graduate ko mag-iiba na ang panahon. Dadami ang mga taong makikilala ko. Doon siguro may chance na ako. Hihintayin ko na lang yun.
Araw ng linggo, nagising ako ng alas-9 ng umaga. Niyaya ako ni inay na mag-almusal. Tamang-tama, paborito ko ang nasa mesa, sinangag, pritong itlog at mainit na kape. Habang kumakain ako, nagkukwento sa amin si inay na may balitang may engkwentro sa "National Highway" sa pagitan ng mga sundalo at mga rebelde. Sabi ni inay, may nagsumbong daw sa mga pulis na may dadaan truck na sakay ang mga rebelde. Kaya hinarang ng mga pulis ang nabanggit na truck, wala na daw nagawa ang mga rebelde kundi lumaban pabalik. Pagkatapos magkwento ni inay, natapos na din ako ng pagkain. Gaya ng dati, deretso na naman ako sa paborito kong tambayan, sa bahay ni Rodel.
Dalawang bahay lang ang pagitan ng bahay namin ni Rodel. Meron silang maliit na tindahan, doon sila kumukuha ng dagdag-kita bukod sa pagbebenta ng pinaltok at suman. Bukod sa akin, tumatambay din doon ang mga kaibigan namin na sina Mark, Philip, Joel at Andrew. Si Mark at Andrew ay kabatch ko. Si mark ay naging kaklase ko nung second year at si Andrew ay nag-aaral pa noon sa ibang paaralan. Kaklase ko na ngayon si Andrew habang nasa lower section si Mark. Si Joel naman ay nakatapos na ng high school ngunit hindi na nagtuloy. Mas pinili na lamang niyang magtrabaho sa isang pabrika. Si Philip naman ay isang third year high school. Kabatch namin siya dati ngunit bumagsak siya sa ilang subjects dahil sa pagbubulakbol. Ngayon ay pinagbubuti na niya ang kanyang pag-aaral para makahabol. Habang nagkukuwentuhan kami ay biglang napasok naman sa usapan ang mga girlfriends nila. Hindi ako makapagsalita noon kasi wala akong alam sa ganoong mga bagay, siguro dahil wala pa akong girlfriend. Tawanan sila ng tawanan hanggang sa napansin nila na tahimik lang akong nakangiti.
"Uy, si Joey oh. Tawa lang ng tawa. Imik naman diyan, boy!", ang sabi ni Joel habang tumatawa. "Paano iimik yan eh OP yan. Hindi maka-relate kasi no gf since birth.", dugtong ni Philip. "Pare, malapit ka nang maka-graduate. Gawa ng paraan para magka-girlfriend", ang sabi pa ni Joel. "Magkakaroon din ako ng girlfirend", sabi ko sa kanila. "Kailan pa yun, pare? Kapag enhinyero na ang tatay mo?", biglaang bara ni Mark at nagtawanan kaming magkakabarkada. "Alam mo pare, ang daming babae diyan. Ewan ko lang kung pihikan ka lang o torpe. Simulan mo nang maghanap at baka tumanda kang binata. Pero maganda daw yung mga tumatandang binata, mababait daw sa kanyang mga inaanak. Malaki pang magbigay. Kapag nagkaanak ako ninong ka, ha? Haha." Ang sabi ni Rodel. Nagtuloy pa ang kwentuhan namin hanggang sa sumigaw si inay at tinawag ako. "Joey! Kumuha ka nga ng toyo diyan sa tindahan nina Rodel at ako'y mag-aadobo dito ng breastbone. Sabihin mo babayaran ko pag-uwi ng iyong ama", ang utos ni inay. Umutang ako ng toyo sa tindahan nina Rodel at nagpaalam sa mga kaibigan ko na babalik na lang mamayang hapon. Dinala ko kay inay ang inutang na toyo. Yun na lang pala ang hinihintay ni inay para makapag-adobo na siya. Hindi na ako umalis ng bahay kasi malapit na rin namang magtanghalian noon. Pagkaluto ng adobo ay naghanda na ako ng mga pinggan, mga kutsara (hindi kami nagamt ng tinidor, pero tinuruan kami ng paggamit nun) at mga baso at si inay ang naghain ng mga pagkain para pagsaluhan. Nung naihain na lahat, tinawag ng inay ang mga kapatid ko at nagsipaglapitan naman sila.
Nang matapos ang tanghalian ay nagligpit na kami ni inay ng pinagkainan. Dahil grade 4 na si Fatima, siya na ang nagkusang maghugas ng mga pinggan. Natutunan daw niya yun sa school, ang mga gawaing-bahay. Ako naman ay nagbukas ng tv. "Ang boring naman ng mga palabas tuwing linggo ng tanghali.", ang sabi ko sa sarili ko. Hindi nagtagal ay pinatay ko na rin ang tv at pumunta na lang ulit sa kina Rodel. Pagkarating ko doon, andun na lamang sina Joel at Mark. Si rodel naman ay nasa palengke at bumibili ng manok. Hindi pa pala sila nakakapagluto? Nagpatuloy na lamang ang aming kwentuhan. Ala-1 na nakabalik si Rodel sa pamimili. Ang layo kasi ng palengke mula dito. Habang kumakain sina Rodel, tuloy-tuloy ang aming kwentuhan. Kung saan-saan umabot ang mga pinag-uusapan namin, makapaghanap lamang ng mapaglilibangan. Hanggang sa sumali na si Rodel sa kwentuhan.
Alas-3 na ng hapon nun, nasa kalagitnaan kami ng kwentuhan ng biglang may lumapit na babae sa tindahan nina Rodel, isang napakagandang babae. Matangkad, maputi, mahaba ang buhok, at maiksi lamang ang kanyang damit na suot. Lumapit siya sa tindahan para magpaload. "Pa-load nga po ng 30", ang sabi ng magandang dalaga. Tumitig ako sa kanya ng matagal hindi ko napansin na tinatawag ako ng mga kaibigan ko. "Boy? Boy? Ikaw pa ga yan? Hello? Hoy gising!" At bigla akong bumalik sa aking sarili, "Ha? Tawag niyo ba ako?" Biglang ngumiti ang tatlo na parang nag-uusap sila sa isip lamang nila. Biglang bumulong si Rodel, "pare, pagkakataon mo na yan." "Ha?", ang sabi ko sa kanila. "Sige na magpakilala ka na", sabi ni Mark nang biglang may tumulak sa likuran ko. Tinadyakan pala ako ni Joel papalapit sa babae. Paglingon ko sinabi ko ng mahina kay Joel, "putang ina ka. Kutos ka sa akin mamaya." Ang sabi ni Joel, "gawin mo na lang pagkatapos mo diyan. Go pare, Kaya mo yan! Hehe."
Pagtingin ko sa magandang dilag ay nagkataon ding nakatingin siya sakin. Sinubukan kong buksan ang aking bibig at magsalita. "Aaaaahhhh... Hi?", ang sabi ko habang nanginginig at nagkakamot ng ulo. Tumalikod lamang sa akin ang dalaga at lumakad palayo. Sinubukan kong bumalik sa mga barkada ko ngunit pinipigilan nila ako. "Habulin mo! Habulin mo!", mabilis na sabi ni Mark. "Eh ayaw nga akong kausapin eh", sabi ko. "Tanga ka! Nagpapakipot lang yan.", sabi pa ni Mark. At pinihit ako ni Joel patalikod sa kanila at muli niya akong tinadyakan. "Tang ina, nakakadalawa ka na.", sabi ko pero tinatawanan lang ako ni Joel habang sinesenyasan niya ako na habulin ang dalaga. Hinabol ko nga ang babae habang tinatawag ko, "Miss! Miss! Saglit lang po!" Biglang lumingon ang babae, mukha siyang galit, "Bakit ba?!". "Nais ko lang naman pong magpakilala eh. Ako nga po pala si Joey. Ano pong pangalan mo?", ang pakilala ko sa kanya at sumagot naman siya, "Rose ang pangalan ko. Oh, ano? Masaya ka na? Sige, diyan ka na." Tumalikod ulit siya at lumakad at hinabol ko pa rin, "Teka lang po. Taga-rito ka po ba? Saan ka po nakatira." "Hindi ako taga-rito at wala kang pakialam kung saan mang lupalop ng impyerno ako nakatira. At kung pwede lang, wag mo akong sundan.", yun ang sabi niya habang lumalakad palayo. Siguro nga hindi siya taga-rito kasi bago siya sa paningin ko. Halos lahat kasi ng taga-rito ay kilala ko na. Ngunit may pumasok sa isipan ko na sundan ko siya. Gusto ko lang naman malaman kung saan siya nakatira, yun lang. Kaya sinundan ko siya at pumasok siya sa isang masukal na damuhan. Tinanong ko ang sarili ko, "may mga bahay ba sa kabilang dulo ng damuhang ito?", habang nag-iisip ay napansin ko na tumigil si Rose at lumingon sa akin, "Putang ina! Pati ba naman dito? Isa pang sundan mo ako at papatayin kita!" Bigla akong natakot. Ngayon lang ako nakakita ng napakagandang babae pero ubod ng tapang. Tumalikod na lamang ako at unti unting naglakad palayo sa kanya. Tumalikod na din siya at nagpatuloy ng paglalakad. Kasabay ng takot ko ay ang pagkalungkot. Ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob pero bigo pa rin. Kaya siguro mas gusto ko na hindi maglakas-loob kasi ganun din naman. Bigo rin.
Nung malayo na ako ay may narinig akong sigaw. "Tinig ni Rose yun ah?" Kaya tumakbo ako papunta sa kanya at nakita ko siya nakaupo sa lupa. Nagdurugo ang kanyang kaliwang paa, epekto ng pagkakatisod niya sa isang malaki at matilos na bato na hindi niya nakita. Nagdudugo ang paa niya at may malaking pasa. "Teka lang. Dadalhin kita sa clinic malapit sa amin." Pinigilan ako ni Rose, "Wag! Kahit anong mangyari hindi ako pupunta ng clinic." "Hintayin mo na lang ako dito. Kukuha ako ng gamot.", ang sabi ko sa kanya. Tumakbo ako papunta ng bahay at nagmamadaling tinanong kay inay, "Inay! Nasaan po ang gamot natin?" "Nasa tukador.", ang sagot niya. Dali-dali kong kinuha ang gamot at bulak at tumakbo na ulit pabalik kay Rose. Takang-taka ang nanay ko, "May emergency ba?", tanong niya sa sarili niya. Ng bumalik ako nandoon pa rin si Rose, nagdudugo pa rin ang paa. Ginamot ko ang paa niya. Pinahiran ko ng alcohol at nilagyan ng band aid. "Salamat", malumanay na sabi niya sa akin. "Wala yun", sagot ko. "Pasensiya ka na sa akin kanina. Hindi ko gustong tarayan ka.", ang sabi ni Rose. "Wag mo nang isipin yun. Okay na sakin yun.", ang sagot ko. Tumayo si Rose, "aalis na ako." "Ihahatid na kita?", ang sabi ko ngunit pinigilan niya ako, "Hindi na kailangan. Kaya kong mag-isa." Hindi ko na siya pinilit at lumakad na siya palayo. Nagdadalawang isip ako habang pinapanood ko siya. Gusto kong malaman, pero hindi ako makapagsalita. At biglang ko siyang tinawag, "Rose?", at lumingon naman siya, "Pwede bang... Pwede ko bang makuha... ang cellphone number mo?" Nagtaka siya, "bakit?" "Kasi para mas makilala natin ang isa't-isa.", sagot ko. "Sige, pero wag mong ipapamigay, ha?" Nagulat ako. Sa loob-loob ko napakasaya ko na para bang sasabog ang dibdib ko. Ibinigay ni Rose ang number niya sakin at nagpaalam na. Excited akong tumakbo pabalik ng tambayan at andun silang lahat. Nagdating pala sina Philip at Andrew nung umalis ako. Ngumiti ako sa kanila at ngumiti din sila na parang alam na nila kung anong nangyari. Kinwento ko ang mga pangyayari at nung nalaman na nila biglang hinihingi na nila ang number ni Rose. Siyempre hindi ko binigay. Magagalit si Rose eh. Hanggang sa pag-uwi ko sa bahay, masaya pa rin ako. Nagtataka pa rin ang nanay ko, "nasaan ang gamot?", tanong niya. "Naku! Nakalimutan ko. Pero hayaan mo na inay. Ibibili na lang kita ng bago. Hehehe.", masayang sagot ko. Mula noon ay hindi na napalitan ang nadama kong kasiyahan at hindi na rin nawala ang pagtataka ni inay. Kahit sa hapunan halata niyang masaya ako, takaw ko daw kasi eh. Mahina naman kasi akong kumain. At kahit sa pagtulog hindi rin ako makatulog. Laging sumasagi sa isip ko ang kanyang magandang mukha. Kaya ayun, ala-1 na ng umaga ako nakatulog. Nahuli tuloy ako sa school kinaumagahan.
Lunes ng umaga, ang boring ng school. Paano ba naman? First subject namin ay "Filipino." Ito lang ang ayaw ko sa section na ito. Naisip ko tuloy i-text si Rose. Buti na lang nagpaload ako kanina sa daan papuntang school. Tinext ko siya, "Hi Rose. Si Joey ito, yung kahapon." Alam kong magrereply siya kasi kita naman namin na nagpa-load siya kahapon. Antagal kong hinintay yung reply niya. Recess na nung nagreply siya, "Hi Joey. Pasensiya na late reply. Musta na?", ang text niya sakin. "Klaseng puyat ka ah?", ang reply ko sa kanya at agad siyang nag-reply, "Oo, nagbantay kasi ako." At nagreply din ako agad, "Anong binantayan mo? Hehe." at ang sabi niya, "Wala yun. Nevermind." At biglang tumunog ang bell pero nagtext pa rin ako sa kanya, "Tapos na ang recess. Hehe." Sumagot siya, "Sige mamaya na lang ulit." "Okay lang kahit magtext ka. Makakareply pa rin ako. Magaling akong magtext ng palihim. Hehe.", ang reply ko. "Hindi na, baka mahuli ka pa ng teacher mo." ang sabi niya sa text kaya nagtanong na lang ako sa kanya, "Teka! Tanong ko lang kung pwede ba tayong magkita mamaya?" "Bakit?", ang tanong niya. "Wala lang. Gusto ko lang ikaw makita. Libre kita ng dinner.", reply ko. "Sige, dun na ang sa lugar kung saan tayo huling nagkita. Mga 6 ng hapon.", ang sabi niya. Tinutukoy niya yung bukana ng sukal kung saan ko siya sinundan. Hindi ako nakapaghintay na lumabas ng school. Hanggang sa nagdating ang alas-5. Yes! Uwian na! Tumakbo ako pauwi at naligo at nag bihis ng maganda. Nakortehan pa ako ng aking ina, "Aba! Aba! Posturang tao ah? Pasaan ang pogi?", tanong niya. "Diyan lang po.", ang sabi ko. At lumabas ako ng bahay at tumambay muna kina Rodel. Andun si Andrew, nakatambay din. "Pare, parang kukumpilan ka ulit ah?", tukso ni Rodel. Tawang-tawa si Andrew, "Pasaan ka ba?", tanong niya. "Diyan lang.", sabi ko. At pagtingin ko sa oras ay 5:54 na. "Sige, mga bro. Alis muna ako. Hehe." At umalis na ako papunta doon sa sinabing tagpuan namin.
5:59 ako nakarating doon ngunit wala pa siya. Hinintay ko pa at nagpakita na rin siya. "Pasensiya ka na at nahuli ako. May ginawa pa kasi ako.", paliwanag niya. "Okay lang.", sabi ko, "Oh. Saan mo gustong mamasyal?" Hindi niya daw gustong mamasyal. Gusto niya lang nang kausap kaya nag-usap na lang kami doon. Sa pag-uusap na ayon lalo ko siyang mas nakilala. Wala pa daw siyang boyfriend. Ngumiti ako nung nalaman ko ang tungkol dun. "Sabi mo hindi ka taga-rito. Taga-saan ka ba talaga?", tanong ko sa kanya. "Taga-Maynila ako.", ang sagot niya. "Bakit ka nandito? Nagbabakasyon ka? May kamag-anak ka ba dito?", tanong ko ulit sa kanya. "Wala akong kamag-anak dito.", sabi niya. "Eh bakit ka nandito?", tanong ko sa kanya. Hindi siya sumagot at sa halip, tumingin na lang siya sa mga bituin. "Okay lang kahit hindi mo sagutin.", ang sabi ko. At nagtanong siya kung anong oras na ang sabi ko alas-8 na. Kailangan na daw niyang umalis at may gagawin pa siya. Tinanong ko kung pwede ko siyang ihatid pero tumanggi na naman siya. Kaya nung umalis na siya ay umuwi na din ako. Saglit lang yun pero nakuntento ako. Hindi na naman ako makatulog. Mahuhuli na naman ako sa klase ko bukas.
Martes ng umaga, heto na naman ako sa aking pinakaayaw na subject. Habang nagle-lecture kami ay naisipan kong i-text ulit si Rose. Tamang-tama hindi pa expired na load ko. "Good morning po. :)", ang text ko sa kanya. Lunch break na at hindi pa rin siya nagrereply. Baka wala na siyang load kaya itinigil ko na ang paghihintay. 2:30 na, kalagitnaan ng quiz namin sa math ng may biglang nag-text sakin si Rose at ang sabi niya sa text, "Kita na lang tayo mamaya. Same time, same place." Kaya na-excite na naman ako na umuwi. Hanggang sa sumapit na ang alas singko. Yes! Uwi na ako! Agad na naman akong naligo at pumorma pagkauwi. Nagtaka na naman si inay, "sisimba ka na naman?" Tumawa lang ako sa sinabing, "Hindi inay, pero kung sisimba man ako eh deretso ako sa altar. Hahaha." At pagkatapos naming mag-usap ni inay ay dumeretso na ako sa tagpuan namin. 5:30 na nung nakarating ako doon. Hinintay ko siya at nakarating siya ng 5:50. Mas maaga kaysa kahapon.
Habang nag-uusap kami ay panay ang tingin ko sa kanyang mga mata. Ang ganda talaga niya. At ang mga labi niya, gusto kong halikan. Pero hindi ko pinahahalata ang pagkahumaling ko sa kanya, baka kung ano ang isipin niya at magalit siya sa akin. Pero sa kalagitnaan ng pag-uusap namin ay bigla siyang nagyaya, "Paalis na kasi ako sa makalawa. Pwede mo ba akong ipasyal bukas? Kahit saan okay lang sakin." Ako'y nagulat sinabi niyang ayun. Magkahalong emosyon ang naramdaman ko. Masaya dahil maipapasyal ko siya at malungkot dahil aalis na siya. "Sige, bukas ng umaga ipapasyal kita. Magkita tayo sa kantong iyon.", ang sabi ko. "Paano ang klase mo?", tanong niya. "Wag kang mag-alala. Minsan lang naman ito kaya okay lang na lumiban ako.", ang sagot ko. "Oh sige, uwi na tayo para maaga tayong makatulog. Maaga pa tayong aalis bukas.", ang sabi niya at kami'y nagsipag-uwian na. Ang saya ko dahil mamamasyal kami bukas. Wala din akong iisipin sa gagastusin. May ipon naman ako, ibabawas ko na lang. Pero ang problema ko ngayon, hindi ako makatulog. Naiisip ko na naman ang kanyang kagandahan. Baka mahuli ako sa tagpuan namin bukas. Paano ito?
Sumapit na ang umaga, tiningnan ko ang oras. Alas-7 na ng umaga. Kailangan ko nang maghanda para sa araw na ito. Agad akong naligo at nagbihis para hindi mahuli sa pinag-usapang oras at lugar. Kumuha lang ako ng dalawang piraso ng tinapay para magkalaman ang tiyan kahit konti. Habang kumakain ay nakita ako ng nanay ko. "Ano yang suot mo? Hindi ka ga papasok? Tanghali na ah?", ang tanong niya sakin. "Hindi po. May aasikasuhin lang po akong importante.", sagot ko sa kanya. Ang alam niya ay tungkol sa pagpasok ko sa college ang aasikasuhin ko pero hindi ko talaga masabi sa kanya na may date ako. Kaya pagsapit ng alas-8 ay umalis na ako at pumunta sa kanto na itinuro ni Rose. Pagpunta ko dun ay andun na siya. Bagay sa kanya ang suot niyang tight blue maong jeans at white shirt. Mas lalo siyang gumanda. "Kanina ka pa?", tanong ko. "Hindi. Kararating ko lang. Tara na. Baka may makakita pa sa atin dito.", sabi niya. Agad kaming umalis, iniwasan kong magdaan sa school kasi baka may makakita sa akin na kaklase ko o isa sa mga teachers ko. Ang bilis niyang maglakad na para bang may iniiwasan. Binilisan ko din ang lakad ko para makahabol sa kanya. "Ganyan ka ba talaga kabilis maglakad?", tanong ko. "Oo.", sabi niya. "Doon sa kantong iyon, pwede na tayong mag-abang ng tricycle.", sabi ko sa kanya. At pagkarating namin sa kantong ayon ay may tricycle na nakatigil, nag-aabang ng pasahero. "Boss? Tricycle?", tanong ng mamang driver. "Oo. Alam naming tricycle yan.", sabi ni Rose. "Rose, ang ibig sabihin eh kung sasakay tayo ng tricycle. Hindi niya itinatanong kung tricycle yun.", paliwanag ko. "Oo. Alam ko.", sabi niya. "Sige po boss. Pakidala lang po kami sa bus stop", turo ko sa driver. At pagkasakay namin ay dinala kami ng tricycle sa bus stop. Medyo malayo. 10 minutes mula sa sakayan ng tricycle. Pagkarating namin sa bus stop ay bumaba na kami at nagbayad ako ng 50 at sinuklian naman ako ng 20 ng driver. "Salamat po.", sabi ko sa driver. Nagpasalamat din ang driver at bumalik na papunta sa sakayan. Nag-abang kami ng bus. May 10 minutes din ang lumipas bago pa may nagdaang bus. Napakatahimik ni Rose. Mula nung sumakay kami ng tricycle hanggang sumakay kami ng bus hindi kami nag-iimikan. Sumakay kami ng bus at umupo siya sa may likod sa tabi ng bintana ng bus. Nakatingin lang siya sa labas, parang may malalim na iniisip. Tinanong ko siya kung kumain na siya, ang sagot niya oo kumain na daw siya. Habang nasa biyahe kami, hindi pa rin kami nag-iimikan. Ang tahimik ng biyahe namin. Ewan ko. Hindi ko kasi alam kung paano ko sisimulan ang usapan.
Hanggang sa nakababa na kami. Nasa tapat kami ng mall. 9 a.m. na nun kaya saktong bukas na ang mall at konti pa lang ang mga napasok. Biglang may pumasok sa isip ko. "Tara! Laro tayo sa amusement park.", yaya ko sa kanya at pumayag naman siya. Pagkarating namin doon. 4 pa lang ang tao doon kasi kabubukas lang din ng park. Bumili ako ng 10 tokens at binigay ko sa kanya ang lima. Nag-iisip ako kung ano'ng laro ang una naming lalaruin. Hindi pa ako nakakapag-decide ay may nilalaro na siya. Naisipan niyang maglaro ng Drum Freakz. Grabe galing niyang mag-drums. Ang bilis ng mga kamay at paa niya. Pinanghinaan ako ng loob nun, parang ayaw ko nang maglaro. Sa halip ay pinanood ko na lang siyang maglaro.Nang matapos siyang maglaro ay tumayo na siya, "Oh. Bakit hindi ka naglalaro?", tanong niya. "Okay na akong panoorin ka.", sabi ko. "Halika doon tayo.", sabay hila niya sa kamay ko. Parang may humihigop sa akin noon nung hinawakan niya ang kamay ko. Hindi ko alam kung papunta saan pero hangga't hawak niya ang kamay ko okay lang sakin. Dinala niya ako sa lamesa ng air hockey. Gusto niya kaming maglaro noon. Kaya't pumayag ako na maglaro ng air hockey pero first time kong maglalaro nito. Basta ang alam ko, dapat mahuhulog yung puck sa goal na hinaharangan niya. "Ako na ang maghuhulog.", sabi ko. Hinulog ko ang token at nahulog ang bato sa bulsa niya. "Kailangan ko lang maka-goal sa kabila", sabi ko ngunit hindi ito madali para sa akin. Hindi dahil sa first time kong laruin ito, magaling din pala siyang maglaro ng air hockey. Grabe buta ako. Tinalo ako sa score na 5-0. Napangiti na lamang ako sa sarili ko pero kapag tinitingnan ko siya parang hindi siya nag-eenjoy. Inaasahan ko naman yun kasi laking Maynila siya. Kaya sanay na siya sa ganitong uri ng lugar. Ako nga 3 beses pa lang nakakarating dito. Hindi pa ako nakakapaglaro o nakakabili ng kahit na ano. Namamasyal lang ako. Tipid eh. Pagkatapos namin sa air hockey ay tinuro naman niya yung Time Crisis. Barilan ba kamo? Diyan ako magaling. Kaya naghulog kaming dalawa ng token at kinuha ang mga baril. Stage 1 palang ubos na ang mga buhay ko samantalang kanya ay wala pang bawas. Ano ba yan? Ang galing naman niya. Pero dahil pahirap ng pahirap ang laro. Namatay din siya sa boss ng stage 2. Bihira lang ang nakakarating doon. Taga-Maynila nga ito! At nang ibinaba na niya ang baril nagtanong siya, "Oh. Saan naman ang sunod?", tanong niya. "Hindi ko alam eh. Ikaw na ang bahala.", sabi ko na lang sa kanya. "Doon na lang tayo. Maglaro tayo ng Indiana Jones. Tumaya tayo at magparami ng tokens. Konti na lang yung sa atin eh.", sabi niya. At naglaro kami ng indiana Jones. Natalo ang 3 kong natirang coins samantalang dumami naman ang coins ni Rose at umabot na sa 7. "Kuha ka lang ng token sakin", sabi niya habang binibigyan niya ako ng isang token. Grabe kahit anong laro magaling itong si Rose. Padami ng padami ang tokens niya, lagi naman akong natatalo kaya kuha ako ng kuha sa kanya. Mukha ngang pinagtatawanan ako ng mga nasa likod ko. Lagi ko daw kinukuha yung pinaghirapan nung katabi ko pero wala akong pakialam sa kanila. Mainggit sila. Hehe. Nung umabot na sa mahigit 20 ang tokens niya ay tumayo siya. "Tanghali na pala. Tara kumain muna", sabi niya kaya tumayo na din ako at naghanap ng makakainan. At may nakita kaming restaurant na malapit lang sa park. Naghanap kami ng bakanteng lamesa at may nakita kami sa bandang dulo. Umupo kami doon at tinanong ko kung anong gusto niyang kainin. "Manok at kanin na lang sakin.", sabi niya. Kaya umorder ako ng isang manok na may kanin para sa kanya, Hamburger na may fries para sa akin at dalawang iced tea para sa aming inumin. Nang pagkabayad ko sa inorder ko ay dinala ko na ang pagkain namin sa aming lamesa. Minamasdan ko siya habang kumakain. Pati sa pagkain niya napakaganda pa rin niya. Pero iniiwasan ko din naman na mahuli niya akong nakatingin sa kanya kaya pasimple lang ako habang kumakain ako ng hamburger. Pagkatapos naming kumain ay naisipan naming naglibot-libot kami sa loob ng mall bago kami bumalik sa park. Nung napagod kami ay naupo kami sa isang bench. Tamang-tama may ice cream stand malapit sa amin kaya naisipan kong bumili ng ice cream para sa aming dalawa. Agad siyang nagpasalamat pagkabigay ko ng ice cream sa kanya. Tahimik kaming kumakain ng ice cream. Heto na naman ako. Hindi makapagsalita. Ano kaya ang magandang sabihin para magsimula kami ng usapan? Ah! Naisip ko kung ano ang ideal type niyang lalaki. Pero hindi ganun kadali yun. Nakakahiya.Pero susubukan ko pa rin. "Umm... Rose?", tawag ko sa kanya. Tumingin lang siya sa akin at itinaas ang kanang kilay na parang nag-aabang sa tanong ko. "Ummm... ano ba ang... mga gusto mo... sa isang lalaki?", tanong ko sa kanya. Tumingin siya sa malayo at sinabing, "Hindi na ako naghahangad na may magkakagusto sa akin kasi ang gusto ko sa lalaki eh yung tatanggapin ako kung sino at ano talaga ako at yung ipagmamalaki ako." Nagtataka ako kung bakit ganun ang sagot niya. Wala ka namang hindi maipagmamalaki sa kanya. Parang lahat ng kalalakihan ay magkakandarapa sa kanya. Ewan ko. Ngayon gulong-gulo na ang isip ko. Nung naubos na ang ice cream niya nagyaya na ulit siya papunta sa amusement park. Naglaro na ulit kami hanggang sa umabot kami ng alas-4. Nagyaya na siya dahil hindi daw siya pwedeng gabihin. Kaya umalis na kami at sumakay ng bus. Doon ulit siya umupo sa tabi ng bintana ng bus pero nasa likod na kami ng driver. Tahimik na naman ang biyahe namin. Lagi naman kasi akong ganito. Hindi makaimik. Wala na ata talaga akong pag-asa na magkaroon ng girlfriend. Sobrang torpe ko kasi. Tuwid lang ang tingin ko. Iniisip kung ano ang sasabihin. Tapos biglang hinawakan ni Rose ang kamay ko. Tumingin ako sa kanya at nakatingin din siya sa akin. "Alam mo. Hindi ko malilimutan ang araw na ito. Salamat sayo. May babaunin akong alaala hangga't nabubuhay ako", ang sabi niya sa akin at bigla siyang ngumiti. First time kong nakita siyang ngumiti ng ganoon. Lalo siyang gumanda. Ako naman ay parang na-hypnotize sa ganda ng ngiti niya. Gusto ko na nga sanang hilingin na sana'y ma-flat-an ang gulong ng bus para hindi na kami makaalis. Kaso malapit na kaming bumaba. Pagkababa namin ng bus ay sumakay na rin kami ng tricycle. Tamang-tama andito si manong driver kanina. Kakahatid lang ng pasahero kaya siya na rin ang maghahatid sa amin pauwi. Nung malapit na kami sa kanto kung saan kami sumakay ng tricycle kanina, sinabi niya sa akin na gusto na niyang bumaba doon. "Ayaw mo bang magpahatid hanggang inyo para mas mabilis ang pag-uwi mo?", tanong ko. "Hindi, mas gusto ko na maglakad tayo.", sabi niya. Kung sa bagay, para at least may moment kami, kahit patapos na ang araw. Nung naglakad na kami ay napadaan kami sa tapat ng bahay nina Rodel. Andun si Andrew at Joel at nakita nila kami. "Hoy ungas! Hindi ka pumasok! Lagot ka kay Ma'am!", sigaw ni Andrew. "Pareng Joey, parang iba na naman yang kasama mo ah! Mahaba yung buhok nung kahapon.", pang-asar ni Joel. Ngumiti lamang ako at biglang nagtanong si Rose. "Sino ang kasama mo kahapon?" "Wala naman akong kasama kahapon. Pumasok ako sa school tapos sayo lang ako nakipagkita.Niloloko lang tayo ng mga yun.", paliwanag ko. Nung malapit na kami sa damuhan kung saan kami nagkita, tumigil kami at sinabi niya na hanggang dito na lang daw. Ayaw na niyang magpahatid. Kaya hinayaan ko na siyang maglakad sa masukal na damuhan at ako naman ay pauwi na. Nung nakauwi na ako ay may nagtext sa akin. Kay Rose pala galing ang text message, "Joey, salamat kanina. Salamat talaga." Nagreply ako sa message niya, "Aalis ka na ba talaga? Hindi ka na ba talaga mapipigilan?", ang reply ko sa kanya. Pagkatapos noon ay hindi na siya nagreply. At ang aking kaligayahan ay napalitan ng kalungkutan. Hindi ko na ba siya makikita ulit? Ito na ba talaga ang huling araw na makikita ko siya?
Huwebes ng umaga, pumasok ako sa school. Halos wala akong maintindihan sa turo ng aking guro dahil si Rose ang laging nasa isip ko. Ano ba yan? Kapag nagpatuloy ito, babagsak ako sa quiz. Napansin ko nung tanghali may mga pabalik-balik na mga sundalo. Siguro naliligaw lang kaya hinayaan ko na lang. At nagdating nga ang maghapon na wala akong natutunan kaya umuwi akong malungkot. Nung nakarating na ako sa amin ay dumeretso na ako sa aking kwarto. Hindi na ako kumain kasi wala akong gana. Maaga akong natulog kasi ilang araw din naman na kulang ang tulog ko.
Biyernes ng umaga, pumasok ulit ako sa school. Parang napapansin ko padami ng padami ang mga sundalo dito sa aming lugar, may mga helicopter pa. Habang lumilipas ang oras, padalas ng padalas ang balik ng helicopter. Hanggang pagdating ng hapon ay may naririnig na kaming mga putok ng baril. Sundalo pala ang laman ng helicopter. May nakita silang mga rebelde sa kabilang pook at dito pala sila nagdaan sa aming lugar kaya maaga na nila kaming pinauwi. Tumakbo ako papunta sa amin at hinanap ko sina inay at itay. Andun sila kasama ng mga kapatid ko. Inutusan kami na wag lalabas ng bahay at wag magpapasok ng mga taong hindi kilala. Takot na takot kami nun kasi malapit lang ang gera sa amin. Nagpatuloy ang putukan hanggang sumapit ang dilim. Naitaboy ng mga militar ang mga rebelde palayo sa amin. Madami kasing madadamay na tao kapag nakapasok sila dito. Pero kahit ganun hindi pa rin kami naging kampante. Kaya hindi kami makatulog ng ayos. Ano ba naman itong nangyayari sa buhay ko? Magulo na nga ang isip mo nanganganib pa ang buhay ko?
Sabado ng umaga, nagising ako ng alas-10 ng umaga kasi hindi ako nakatulog ng husay kagabi. Baka kasi may magtangkang pumasok sa bahay namin. Eh madali lang naman masira ang pinto namin. Ang inay ay bumili na lamang ng mga de-latang ulam at bigas sa kapitbahay dahil delikado kung pupunta pa siya ng palengke dahil baka meron pang mga rebelde sa kanyang dadaanan. Pagkagising ko ay naghilamos ako at nagsipilyo. Naghahanap ako ng pwedeng ulam at nakakita ako ng isang lata ng sardinas. Binuksan ko yun at iniulam sa kanin. Pagkakain ko ay nagligpit ako ng pinagkainan at muling nagsipilyo. Pagkatapos noon ay pumunta ako sa tambayan. Andun silang lahat, nagkukwentuhan. Pinag-usapan nila yung nangyaring barilan kagabi. Ako naman ay tahimik lang at tulala, naiisip ko pa rin si Rose. Ano kaya ang ginagawa niya sa Maynila? Naiisip din ba niya ako? Tine-text ko siya pero hindi siya nagrereply. Baka siguro busy. O kinalimutan na talaga niya ako. Tapos nun hindi ko na namalayan na tinatawag ako ni Andrew. "Hoy! Hoy! Tulala ka diyan?", tanong ni Andrew. "Namimiss niya siguro ang kanyang labidabs. Asan na ba yung girlfriend mo?", tanong din ni Joel. "Wala na siya. Nasa Maynila na. Saka hindi ko yun girlfriend.", sagot ko sa kanila. "Oo nga pala. Naalala ko", biglang singit ni Rodel. "Humahanap ang mga sundalo na tutulong sa kanila sa paghuhukay.", sabi niya. "Ano'ng huhukayin?", tanong ni Andrew. "Mga bangkay daw. Madaming napatay ang mga sundalo kahapon.", sabi ni Rodel. "Babayaran daw nila tayo ng 300 kapag maghapon tayong naghukay.", dagdag pa nito. "O sige! Maghuhukay lang pala eh.", Sabi ni Andrew. "Tara, bukas!", sabi ni Rodel. At nagkaisa silang lahat na sumama bukas para maghukay. "Tara Joey. Sumama ka na. Wala ka naman gagawin bukas eh. Magkakapera ka pa.", ang yaya ni Rodel. Hindi nagtagal ay napapayag din niya ako. Kaya pagsapit ng hapon ay nag-uwian na kami. Pag-uwi ko ay naabutan kong nagluluto ang aking ina. Tumulong na rin ako sa paghahain para mapabilis at nagsipagkainan na kami. Pagkakain namin ay dumeretso na ako sa aking kwarto. Hindi talaga mawala sa isipan ko si Rose. Buti na lang may trabaho bukas. Baka makalimutan ko siya kahit panandalian lang.
Linggo ng umaga, nagising ako ng alas-7, tamang-tama handa na ang almusal. Kumain muna ako bago umalis. Pagkakain ko ay pumunta na ako kina Rodel. Pagkarating ko doon ay andun na sila pwera na lang kay Andrew. May ginagawa pa daw si Andrew pero patapos na. Makalipas ng mga 10 minuto ay nakadating na din si Andrew. "Pasensiya na kayo. May pinagawa pa kasi ang tatay ko.", kwento niya. "O ano? Tara na?", yaya ni Rodel. At sabay-sabay kaming pumunta sa kabilang pook para magtrabaho kahit isang araw lang.. Pagpunta namin doon, nakahanda na ang mga pala. Medyo nakakahilo ang amoy sa sobrang baho. Nagsimula na kaming maghukay. Makalipas ang kalahating oras ay may nahukay si Joel. Isang bangkay na inuuod na at sa sobrang baho ay napasuka si Joel. Iniahon nila ang bangkay at isinakay sa truck ng militar at nagpatuloy sa paghuhukay si Joel. Makalipas ang ilang saglit ay si Mark naman ang nakahukay ng bangkay. Napansin niya na ang bangkay ay may suot na gintong relo at Hanes ang brief. "Mayaman siguro ito?", sabi niya sa amin. Iniahon na rin ang bangkay at isinakay sa trak. Pagkatapos noon, natagalan pa kami bago pa makita ang sumunod na bangkay. Hanggang makalipas ang isa at kalahating oras, ako naman ang nakahukay ng bangkay. Isang bangkay na nabubulok na at inuuod at sobrang baho pa. Tiningnan ko ang kanyang suot ay parang babae na may hawak sa kanyang kamay. Binuksan ko ang kanyang palad at ako'y namutla sa aking nasaksihan. Ang nasa kamay ng bangkay ay mga tokens na ginagamit para makapaglaro sa amusement park. Hindi ako makapaniwala sa nakita ko kaya kinapa ko ang mga bulsa nito. At nakakita ako ng isang wallet. Nang binuksan ko yun, nakita ko ang isang id na may litrato sa tabi ng pangalan. Kay Rose ang id na yun. Sa sobrang gulat ko ay tumakbo ako pauwi, putla, umiiyak sa sobrang lungkot. Hindi ko matanggap ang nangyayari. Pagkadating ko sa amin ay dumeretso na ako sa aking kwarto at doon nagkulong. Hindi ko alam kung gaano katagal, basta gusto ko lang mapag-isa. Iyak ako ng iyak sa sobrang lungkot. Si Rose pala ay isang rebelde. Kaya pala naghahanap siya ng lalaki na kaya siyang ipagmalaki. Kaya pala minsan ang tapang niya. Kaya pala hindi niya masabi kung bakit siya nandito. Dito pala sila nagtago nung natambangan sila nung isang linggo. Kailangan nilang manatili dito para magamot ang ibang sugatan nilang miyembro. Kaya ba niya hindi sinabi ang totoo para hindi ko siya iwasan? Bakit? Sa dinami-dami ng tao bakit ako pa? Sa kalagitnaan ng aking pagmumukmok ay kumatok si inay sa pintuan ng kwarto ko. "Joey, anak. May binigay sa aking sulat si Rodel. Basahin mo daw. Papadaanin ko sa ilalim ng pinto." At may sulat na lumabas sa ilalim ng pinto. Agad kong kinuha ang sulat. Sulat mula kay Rose at nagsasabing, "Joey, kung mababasa mo ito, malamang ay wala na ako. Saglit man tayong nagkakilala. Habang buhay ka namang nakatanim sa puso.ko. Salamat. Hindi kita makakalimutan. Nagmamahal, Rose." Isa itong sulat na nakita sa wallet niya kanina. At nagpatuloy ako sa pag-iyak.
Kinabukasan, araw ng Lunes, pumasok ako sa school. Isang ordinaryong araw lang yun ng isang ordinaryong tao pero nagkaroon ng hindi ordinaryong karanasan. Nagkaroon ako ng pag-ibig na hindi kapani-paniwala. Isang saglit na pag-ibig... pero hindi malilimutan...